Isang mensahe para sa mga mag-u-UPCAT (A Message to UPCAT takers)

Standard

Halos tatlong linggo na nga lang ang nalalabi at sa wakas, makakaupo ka na rin sa malamig sa silyang ilalalaan sa’yo ng proctor mo. Naaaninag ko na ang kislap sa iyong mga mata na wari ba’y nagpapahiwatig ng malakas na pwersa ng pag-asa at kasabikan, ngunit ang mga ito’y unti-unting mababawasan at kagyat na mapapalitan ng lumalaking takot at pangamba sa bawat panahong lumilipas. Marahil isa ka sa mga estudyanteng matiyagang pumila at nagpasa ng mga kaukulang dokumento sa Office of Admissions para makuha ang pinakamimithi mong test permit, at narinig ko pa ngang malakas mong sinabi sa sarili mo habang dinadama ang makinis at bagong kuhang 2×2 ID photo mo: “OMG, Ang ganda ko talaga dito!” At marahil isa ka sa mga mapangahas na nagpakuha ng larawan kasama ang ating pinakamamahal at pinakarerespetong si Oble, hindi dahil sa kumakalat na bulung-bulungang hindi raw nakapapasa sa UPCAT o nakakapagtapos kaagad ng degree sa Unibersidad ang sinumang magpapapiktyur sa kanya, kundi dahil sa inakala mong bold star siya na walang ibang ginawa kundi ipagdamot ang Century Hotdog sa pamamagitan ng pagkakalilok ng isang ‘mahiwagang’ dahon sa ibabaw nito. O baka naman habang bakasyon pa lamang (o hindi pa nakapagpasa ng application forms) at dala na rin marahil ng kasabikan mo, inumpisahan mo na ring i-like ang iba’t ibang confession pages ng Peyups, mula sa The Sunshine Park Files ng hilaga hanggang sa The UPMin Secrets ng timog, at magbasa-basa at magkomento sa mga nakakatawang istoryang nakapost sa open group sa Facebook na Narinig ko sa UP (Overheard at UP).

At syempre, sa wakas, magagamit mo na rin ang lahat ng nakatenggang kaalaman sa utak mo na nagmula pa sa araw-araw na pagtuturo ng iyong mga guro sa hayskul o kaya nama’y nanggaling sa mahaba-habang oras ng pagrerebyung inilaan mo at pinagkagastusan sa mga mamahalin o prestihiyosong review center na sa tingin mo’y makatutulong nang malaki sa pagpasa sa naturang eksam.

 

Oblation: The most iconic statue in the University. Photo from lomography.con

Oblation: The most iconic statue in the University. Photo from lomography.con

Review pa

Kahit hindi na ako tumingin sa kalendaryong nakasabit sa madumi, luma at plywood na dingding ng kwarto ko, nararamdaman kong malapit na ngang buksang muli ang Unibersidad para sa mga kukuha ng eksaminasyon dahil sa kaliwa’t kanang pagbubukas ng mga e-mail na naglalaman ng mga imbitasyon para sa libreng pagbabahagi ko ng aking mga kaalaman partikular sa asignaturang Math. Kadalasan, pagkatapos ng matagal at nakakapagod na pagsasalita, ang mga estudyante’y manghihingi ng payo para makapasa sa eksam, pero malimit lamang ako makapagbigay, at kung makapagbigay man, ito’y pawang kalokohan at pagbibiro lang.

“Friend, di pa ako nakakapagreview …”

Isa ‘yan sa mga madalas kong sabihin noong ikaapat na taon ko sa hayskul at ganyan din ang bukambibig ko habang papalapit na ang araw na ‘yon. Rason? Katamaran. O siguro kakulangan sa inspirasyon. At dahil doon, isang beses lamang ako nakapagrebyu at iyon ay noong Agosto 3, ang gabi bago ang eksam kinabukasan. Napuyat ako at dahil dyan, noong mismong eksam, nakatulog ako nang halos kalahating oras sa Reading Comprehension at nanghula ng isasagot (nakalimutan kong right minus 1/4 wrong pala dahil sa sobrang antok, pero di bale na). Kaya ang paulit-ulit kong pagmamakaawa sa mga tinuruan ko: Wag nyong tutulugan ang Reading Comprehension!

Pero seryoso, hindi naman mahalaga kung nakapag-review center ka o hindi. Ang mas mahalaga, natatandaan mo pa nang mabuti at isinasapuso mo ang itinuturo ng mga titser mo at kung hindi naman, at kung may natitira ka pang oras, manghiram ka o magbasa-basa ng mga reviewer dahil sa maniwala ka’t sa hindi, lahat ng pagsasakripisyo mo, sa huli, ay magiging kapaki-pakinabang sa pagsasagot sa mahihirap na katanungan. Bawas landi, review pa more!

 

UP or nothing

Marami akong kakilalang pumasa man o hindi, UP or nothing sila. Ibig sabihin, obligado silang ipasa ang nasabing exam at di sila pag-aaralin ng kanilang mga magulang sa iba pang unibersidad. O kaya naman, para sa iba, ang UP or nothing ay nangangahulugang wala na silang gustong ibang unibersidad maliban sa UP, at dahil sa masidhing hangarin na makapasa ay nagagawa nilang sila mismo ang mag-presyur sa kanilang mga sarili.

UP is UP. Sabi nga sa’kin ng isang kaibigang upperclassman. Pero tandaan natin na kahit na tinaguriang national university ang Unibersidad ng Pilipinas, ito ay isa ring pamantasan gaya ng iba pang mga pamantasan. Naiiba lamang ito sa paraang ito ang itinatanyag na pinakamagaling, hindi lamang sa batayang pang-akademiko, kundi maging sa paghuhubog ng mga estudyanteng may pagmamalasakit sa bayan. Samakatwid, hindi dapat tingnan na isang malaking kabiguan sa buhay ng isang estudyante ang hindi makapasok sa UP. Bagkus, nararapat lamang itong magsilbing isang malaking hamon at inspirasyon para sa sarili na gawin ang buong makakaya at magtagumpay sa napiling larangan.

 

#TheBracketAFear

N’ong nakaraan lamang ay niyanig ang social media sites ng mga reklamo at mga banat ng mga estudyante laban sa maanomalyang Socialized Tuition System (STS), mapa-taga-UP man o hindi, sa pamamagitan ng #BracketAKaNa. At habang binabasa mo ng umagang yaon ang mga kakaibang banat sa Twitter at sa Facebook, bigla kang napapatawa. Pero di mo sukat akalain na bago ka matulog at ipikit ang iyong mga mata sa gabi ay kaagad ka rin palang dadalawin ng matinding pag-aalala at lungkot. Naisip mo’t sinabi sa iyong sarili na sakaling makapasa ka ay baka hindi mo na ma-i-confirm ang slot mo sa napasang campus at kurso dahil sa tumataginting na PhP1000/unit na Bracket A  o 33% tuition discount (1500/unit naman ‘pag 0% tuition discount), o kaya, ang mas masaklap, kahit na nasa iyo ang mga katangiang hinahanap ni Oble sa isang UP student ay ikaw na mismo ang naguudyok sa iyong sarili na h’wag na mag-eksam.

Kaninang madaling-araw, imbes na titigan nang matagal ang kisame ng aking silid dahil sa kawalan ng pagkakaabalahan sa mahabang bakasyong idinulot ng Academic Calendar shift, inisa-isa kong bisitahin ang mga timeline ng mga nasa friends list ko. May mga estudyante ng hayskul na kahit hindi pa nga nakakakuha ng UPCAT, nakalagay na kaagad sa profile nila: “Studies [course] at University of the Philippines [campus].” Pero mapapansin natin, pagkatapos ng anim na buwan o higit pa na paghihintay sa resulta ng pagpupuyat at pagpapakapagod para lamang sa paghahanda, halos ang iba dyan tatanggalin na ang impormasyong iyon sa profile nila. Maaaring sa kadahilanang di sila pinalad na pumasa, pero malamang sa malamang karamihan dyan na kahit pumasa, ay di naman tumutuloy dahil sa mataas na matrikula. Nakakalungkot lang isipin na nang dahil sa mga represibo at anti-estudyanteng polisiya na pinaiiral sa pamantasan, halimbawa’y STS, ay agad na nawawakasan ang pangarap ng isang estudyante na makapag-aral sa tinaguriang state university. At sana, sa susunod na pang-akademikong taon, maririnig ko na maraming mga kapus-palad na bagong gradweyt ng hayskul ay di lamang pumasa, kundi officially enrolled na rin.

 

Penge pong advice

Madalas itong marinig ng mga taga-UP at/o mga estudyanteng nag-aaral sa Big Four mula sa mga kaibiga’t mga kakilala nila na nangangarap na makakamit ng diploma mula sa mga nasabing unibersidad. Kaya bilang tugon, magbibigay sila ng pagkahaba-habang listahan ng Tips In Order to Pass na maaaring nagsisimula sa “matulog ka nang maaga bago mag-eksam” hanggang sa “‘pag natapos ka na, manalangin/magdasal ka para sa iyong pagpasa.”

At isa ako sa mga taong iyon.

Kamakailan ko lang naintindihan na ang pagkakaiba ng mga mag-aaral sa isa’t isa ay isang bagay na nakaaapekto sa pagtanggap nila sa mga advice na ibinabahagi ko. Oo, alam kong wala ako sa posisyong magpayo dahil magiging second year student pa lang ako sa darating na pasukan, at ang artikulong ito’y hindi magbibigay ng kung ano-anong tips. Nasa’yo na kasi ‘yan kung paano ka makakapasa. Pero kung may isang bagay man akong maipapayo sa’yo ay ito iyon: kumapit ka nang mahigpit sa mga pangarap mo, dahil ang sarili mo mismo ang magdadala sa’yo sa katuparan ng mga ito.

 

Oblation’s call

Lahat ng mga isyung nabasa mo sa itaas ay pawang mga katotohanan. Inaamin ko, lumaki ako mula sa isang mahirap na pamilya, pero di iyon naging hadlang para makapasa at makapag-enrol (salamat sa iskolarsyip). At sana hindi maging hadlang ang kahirapan, kapansanan, mga kapintasan atbp (masyadong ideal, pero sa tingin ko’y posible) para tumugon ka sa pagtawag ni Oble para sa mga karapat-dapat na hiranging mga bagong Iskolar ng Bayan.

No’ng bago ako pumasok sa Unibersidad, may nakapagsabi sa akin na ang UPCAT ang pinakamadaling eksam na nakuha nya mula sa UP. Hindi ko alam kung totoo ito para sa lahat ng mga taga-UP, pero para sa aking sariling karanasan, totoo ito, at inaasahan kong mas hihirap pa sa mga darating na semestre. Hindi ko nais matakot ka o lalong palalain ‘yang test anxiety mo … bagkus gusto ko lamang iparating na kung ano man ang dahilan mo kung bakit ka kukuha ng UPCAT, sana’y pagbutihin mo, at magbaon ka ng lakas ng loob.

Padayon!

Advertisements

Your thoughts are valuable. Share them.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s