Taguan

tagu-taguan photo
Photo Credits to Larong Pinoy: Pasiglahin Muli

“Tagu-taguan, maliwanag ang buwan. Wala sa likod, wala sa harap. Pagkabilang kong tatlo, nakatago na kayo.

“Isa.

“Dalawa …”

Mailap ang umaga sa paggising sa akin. Lumipad ang mga ibon na para bang may nais silang iwasang masamang panahon. Mabilis ang pag-ihip ng hangin; halos tumiklop at bumaluktot ang bintana naming yari sa plywood. Delikado na naman ulit ang aming mumunting barung-barong na muntik nang matumba noong nakaraang bagyo.

Agad na hinanap ng mga daliri ko ang remote ng TV. Mukhang wala na namang pasok, naisip ko. Natunton ko ito sa sulok ng sofa naming luma na’t halos pinugpog ng mga butas na ultimo buong paa ko’y pwedeng magkasya.

Isang itlog, dalawang tigtetres pesos na hotdog, diretso sa plato ko. Pinukpok ang remote at binuksan ang TV; nilipat sa Channel 14. Walang signal. Nilipat sa Channel 2. Sabi ng nag-uulat:

Signal No. 2 na po sa buong Metro Manila dahil sa Bagyong Kiko. Suspendido na po lahat ng klase …

Napahikab ako sa antok, dahil ano na naman ang gagawin ko sa bahay nito? Naiisip ko na baka maglalangoy na naman kaming magkakabarkada sa baha. Minsan, nagdadala kami ng salbabida na binigay sa amin ng matandang taga-kabilang subdibisyon. Swerte na lang kung walang kableng nakausli sa daanan, kung ‘di, siguradong may makukuryente sa amin.

Muling bumalik ang tema ng programa sa balitang krimen. Sabi ng nag-uulat:

Isang bangkay, natagpuan sa isang estero sa Paco, Maynila. Pinaniniwalaang ang biktima ay isang college student na nagngangalang Randell Maniego.

Totoo ba ‘tong naririnig ko?

Natagpuan ang bangkay ng biktima na nakasilid sa sako at may tatlong tama ng bala sa ulo. Ayon sa mga pulis, napansin ng mga residente ang tila masangsang na amoy na nanggagaling sa estero …

P’re, ano’ng ginawa nila sa’yo?

 

“Teka lang! Paulit ng bilang. Umihi lang ako.”

“Sige! Isa … dalawa, tatlo!”

Dagli-dagli akong napatakbo sa isang eskinitang madilim; at mabilis na isinilid ang aking sarili sa pagitan ng mga halamang madalas kong pinagtataguan. Malapit lang ako sa taya kaya delikado rito, naisip ko. Kaya nagpasya akong lumipat ng pwesto at binagtas ang isa pang eskinita na liniliwanagan ng mga apartmentong halos magkakaterno ang kulay.

Umikot agad ang mata ko sa kahahanap ng pwedeng pagtaguan, nang biglang may boses na umugong sa likuran ko — “Huy, Jules! Dito ka na magtago!”

Hindi na ako nag-atubili, at tuluyang isiniksik ang sarili ko sa pagitan ng mga pader kung saan naroon din si Ran-ran. Pilit naming pinipigil ang hininga ng bawat isa, dahil mahirap maging taya sa tagu-taguan. Ngunit may mga pagkakataong nasasagap n’ya ang hininga ko at ako naman, ang hininga niya. Halos naging hangin namin ang hininga ng bawat isa. Pakiramdam ko sa maliit na espasyo na iyon, kami lang ang dalawang tao na natitira sa mundo.

Tumagal kami sa ganoong posisyon sa loob ng halos sampung minuto.

“Hala, baka mamaya umuwi na sila. Tago lang tayo nang tago rito,” bulong ko sa kanya.

“Hindi ‘yan. Hintay ka lang. Baka mamaya mataya tayo,” sagot niya.

Lumipas ang dalawang minuto, at naramdaman ko ang pagdampi ng malambot na labi sa labi ko. Naging mabilis ang mga pangyayari — at sa sandaling iyon, naramdaman ko ang pag-agos ng malamig na pawis na tila nagbuo ng maliit na ilog mula sa noo hanggang sa leeg ko. ‘Di ko matantya kung gaano kabilis tumitibok ang puso ko, ngunit sa utak ko, halo-halong emosyon ang nabuo, ngunit ‘di ko alam kung ano.

Agaran kong hinila ang sarili ko papalayo. Sa wari ko, ‘di tumagal ng isang segundo ang halik. Tinitigan ko ang maamong mukha ni Ran-ran, at hinagilap ang mga mata niya sa gitna ng dilim. Napasinghap ako. Nais kong maiyak at mandiri ngunit ‘di ko alam kung paano.

Umuusal ang taong nasa harapan ko ngunit kahit ano sa mga salita niya’y tila nagkukubli rin at ayaw magparinig.

At sa pagitan ng mga paghinga at walang kasiguraduhan, mga paa ko ang kusang nag-isip at humarurot patungong kalsada, at nagpabalik sa akin sa poste kung saan nagbilang ang aking kalaro.

Umuwi na pala silang lahat. Tapos na pala ang laro.

 

Grade 5 pa lang kami nang mangyari ‘yon. Noon, sa tuwing nakikita ko si Ran-ran, umiikot ang sikmura ko dahil sa inis at galit sa kanya. Madalas kapag nagkakatinginan kami nang mata sa mata, siya ang unang nagbababa ng tingin na para bang sinasakluban siya ng hiya. Sa totoo lang, ako rin naman nahihiya, hindi sa kanya, kundi sa pagkalalaki kong tila winasak niya.

Hayskul na kami noong magladlad nang tuluyan si Ran-ran. Kung tutuusin, may hitsura naman siya; madalas pa ngang matukso sa mga babae. Ngunit noong naging madalas na ang pagkerengkeng niya na para bang kinokopya niya ang pagrampa ng isang sikat na kalahok sa Miss Universe, doon na siya umamin sa mga kaklase niya. Nagsimula na siyang magkaroon ng mga kabarkadang puro mga babae’t bakla, madalas pa ngang inaabutan ng dis-oras ng gabi dahil sa kakagala.

Ikaapat na taon na namin sa hayskul nang maging magkaklase kami ni Ran-ran. Pareho kaming nasa cream section. Kung tutuusin naman, matalino kaming dalawa; nagkataon lang na nagbulakbol itong si Ran-ran kaya wala dati sa seksyon namin. Ewan ko ba kung anong milagro ang dumating sa buhay ng taong ito kaya biglang nagsipag mag-aral.

Lumipas ang mga buwan na wala kaming imik sa isa’t isa. Lahat na yata ng mga kaklase ko nakausap ko na maliban sa kanya. Kahit siguro sa mga gawaing panpangkat, pinipili ko na lang na di magsalita para lang iwasan siya.

Oktubre ng taong iyon noong inanunsyo ng guro namin sa Filipino na maghanap ng makakapareha para sa gagawing pag-uulat sa mga kabanatang nabasa namin sa El Fili. Nagkabunutan ng mga papel na may mga numero; at nagkataong pareho kami ng nabunot ni Ran-ran. ‘Tang inang buhay ‘to o — bulong ko sa sarili ko — sa dinami-rami nga naman ng tao sa mundo!

Tinignan ko si Ran-ran sa bandang likuran. Nang magkatagpo ang mga mata namin, agad siyang nagbaba ng tingin. Naghalo ang inis at awa ko sa kanya; sumabay na rin ang pagsigaw ng utak ko ng ‘Bahala na!’ dahil sa desperasyon kong makakamit ng medalya pagdating ng graduation. Sayang naman ang matataas na marka ko kung papadala ako sa emosyon ko.

Dumating ang kinabukasan. Nagkita kami sa napagpasyahan naming lugar — sa 7-Eleven malapit sa bahay nila. Paliko man o padiretso ang daraanan, nanatili kaming tahimik sa paglalakad na para bang tinatantya namin ang bawat isa.

Nang marating na namin ang bahay nila, nanginginig akong pumasok sa dahil sa takot ko sa maaaring mangyari. Ngunit ‘di ko ito pinahalata.

“Tayo lang tao rito,” sambit niya.

Malaki ang bahay nila Ran-ran, at gawa ito sa semento at tiles, ‘di gaya ng bahay namin na ultimong isang lindol lang, baka magiba pati pundasyon. Kapitbahay namin sila dati, pero buhat nang maikasal muli ang nanay niya sa isang negosyanteng Hapon, kisapmata lang ang binilang ng bilis ng pag-asenso nila.

“Tayo lang tao rito,” ulit niya. “Okay lang ba sa’yo?”

Hindi ako umimik. Para bang wala akong narinig.

“Gusto mo juice?”

“Ayoko.”

“Kape?”

“Baka sumama tiyan ko.”

“Ano gusto mo? Softdrinks?”

“‘Wag. Tubig na lang.”

Naupo ako sa upuan nila na kaharap ng isang mesang talaga nga namang mukhang imported sa unang tingin. Naiwan akong mag-isa sa kwartong iyon, at pinanood na lamang ang pag-indayog ng orasan na tila naghihintay din at nababagot sa mabagal na pag-usad ng panahon.

Nabigla ako dahil sa isang iglap, may taong nakaupo na sa harapan ko; tila ang lahat ng memorya na pilit kong iwinawaksi sa isipan ko ay nagparamdam muli’t nagbalik — ngayon, bilang isang multo.

“Eto, oh! Coke!” bungad niya.

“Sabi ko, tubig lang. Kaya pala ang tagal mo.”

“Pasensya na,” dugtong niya.

“Okay lang! Alam mo pa rin pala na paborito ko ang Coke,” sagot ko. “Salamat.”

“Hindi ‘yan. Sa totoo lang —”

“Sa totoo lang alin?”

Natahimik ang buong paligid. Alam ko na kahit pinlano kong umarteng propesyunal sa tagpong ito, mapapag-usapan ang bagay na pilit kong iniiwasan noong una pa lamang.

“Pasensya ka na. ‘Di naman na mauulit ‘yon,” sabi niya.

“‘Di na mauulit ang alin?” pagmaang-maangan ko.

‘Di siya sumagot.

“Ah … ‘yung halik mo sa’kin?”

“Oo.”

“‘Di ko nakalimutan ‘yon.”

Tila nagulat ako sa aking narinig — sarili kong boses na parang dagat na payapang umaalon sa dapithapon: walang galit, inis, o poot. Kalmado at diretso. Tinitigan ko siya sa noo, hanggang umabot ako sa pagitan ng mga mata niya. Sa pagkakataong iyon, alam kong magkarugtong na ang mga kaluluwa namin, at sa oras na iyon, alam kong handa na ako.

“Bata pa lang tayo no’n,” pagluha niya. “‘Di ko talaga sinasadya, Jules. Nadala lang ako.”

“Nadala ka?”

“Oo.”

Nalunod ang mga tainga ko sa boses niyang utal-utal; kasunod no’n ang pag-agos ng luha mula sa mga mata niya. Napaupo siya’t umusal ng mga salitang ‘di ko lubos na maintindihan, pero alam ng puso ko na humihingi siya ng tawad sa kasalanang dulot ng kapusukan niya na marahil hindi niya na kayang pigilan pa.

Naghalong muli ang mga emosyon ko. Muling nanumbalik ang inis ko dahil may mga bagay na hindi niya na maibabalik dahil sa ginawa niya. Galit din ako dahil gusto ko siyang gantihan pero hindi ko magawa. Ngunit kahit na ganoon, nangingibabaw ang lungkot dahil sa tagal ng panahon na magkakilala kami, hindi ko siya nabigyan ng pagkakataon na makapagpaliwanag, at pinili kong maging duwag dahil hindi ko hinarap ang problemang naresolba na sana dati pa.

“Jules, pasensya na talaga. Patawarin mo’ko.”

Lumapit ako sa kanya’t tinapik ang balikat niya, sabay sabing:

“Okay na sa’kin na nag-sorry ka.”

“‘Di naman sapat ‘yon. Kasalanan ko ‘yun sa’yo, e,” paghikbi niya.

“Oo. Ikaw first kiss ko, e. Dapat sana sa magiging girlfriend ko ‘yun pero ninakaw mo. Pero okay naman na. Ang mahalaga naman kung sino ang last kiss mo, di’ba?” sagot kong may halong pagtawa.

Napatango siya. Sa pagkakataong iyon, niyakap ko siya, at mahigpit ang ginanti niyang yakap. Sa pagkakataong iyon, natitiyak ko na, sa lilipas pang mga panahon, magiging okey na ako.

 

“Julian Hector Cruz. Pakakasalan kita.”

“Puro ka kasal d’yan, may kasalanan ka pa nga sa’kin, e!” sagot ko.

“Bahala ka dyan! Sabi mo, walang ungkatan ng nakaraan!”

Sabay kami ni Ran-ran tumungtong ng kolehiyo. Pareho kaming pumasa sa UP pero ako lang ang tumuloy. Sa Ateneo siya dumiretso kasi sabi niya doon maraming pwedeng syotain; at tutal, maykaya naman sila kaya walang-wala sa kanila ang makabutas-bulsang matrikula roon.

At ‘di nga siya nabigong makahanap ng lalaking mamahalin. Iyon nga lang hindi taga-Ateneo, kundi taga-UP din. Sabi ko sa kanya, mali yata ang pinasukan niyang unibersidad dahil tila mas maraming gwapo sa amin. Sabi niya, wala na siyang pakialam.

Sa loob ng tatlong taon namin sa kolehiyo, naging sandalan namin ang isa’t isa. Mga kapehan sa Katipunan ang naging tagpuan namin; madalas pa niya akong ilibre ng kape at pamasahe. Sabi ko sa kanya nahihiya na ako kasi ‘di naman niya dapat ginagawa iyon, ngunit lagi niyang dahilan na gusto lang niyang makasama ang bestfriend niya.

“Sige,” lagi kong sinasabi sa kanya. “Babawi na lang ako sa susunod.”

 

Lumipas ang mga buwan na hindi kami nagkikita ni Ran-ran. Lagi ko siyang inaasar na baka ayaw na niya akong ilibre. Pero sa totoo lang, ‘di na kami nagkakatugma ng schedule. Madalas din niyang kasama ang boyfriend niyang sa tingin ko’y seryoso naman sa kanya. .

Ngunit nitong nakaraang linggo lamang ay nagtagpo kaming muli nang ‘di inaasahan —

“Oy, p’re!” sigaw ko.

“Oy ka rin! ‘Musta?” sagot niya.

“Heto, okay naman. Kaso nahihirapan.”

“Nahihirapan saan?”

“Sa thesis proposal ko. Wala pa kasi akong maisip na topic, e.”

Umupo kami sa erya sa kapehan na lagi naming pinagtatambayan. Matapos ang mga buwan na ‘di kami nagkita, mabilis na maaaninag sa maamo niyang mukha ang pagod at kalungkutan; at marahil, sa tagal naming hindi maramdaman ang pisikal na presensya ng bawat isa, mas pinili niyang ikubli ang mga bagay na lagi niyang sinasabi sa’kin — mga bagay na bumabagabag sa kanya tuwing gabi, mga bagay na nakakapagpaluha o naghahatid sa kanya ng pananabik.

Kalahating oras ang lumipas — katahimikan ang namagitan sa’ming dalawa, kahit na lunod sa ingay ang buong kapaligiran. Halos hindi niya mabitawan ang cellphone niya dahil sa katetext, habang ako naman, nakatutok pa rin sa aking laptop dahil nakatuon ako sa pananaliksik para sa thesis ko.

“Wala ka bang sasabihin sa’kin?” bungad ko. Tinitigan ko siya sa mata ngunit umiwas siya agad ng tingin. Sinundan ko ang galaw ng mata niya na tumungo sa nag-iisang lalaki na nagisisigarilyo sa labas.

“P’re, may problema ba?” pangungulit ko.

Hindi siya sumagot.

“P’re …”

“Ah, kasi …”

“Kasi ano?”

“May aaminin ako sa’yo …”

Kinutuban na ako sa susunod niyang sasabihin. “Ano?”

Bigla siyang napahagikhik. “Hoy, di kita gusto ah! Baka kung ano-ano iniisip mo.”

“Ano ba kasi?”

“Wala.”

“Wala?”

“Wala. Nagseselos lang siya sa’yo.”

“Ah. Boyfriend mo? Bakit naman daw?”

Tumayo ako’t nilipat ang upuan sa tabi niya dahil, sa gitna ng nakabibinging ingay, nais kong mapakinggan ang sinasabi niya kahit na sa tingin ko’y ito ang maghuhudyat ng pagkakahiwalay namin bilang magkaibigan.

“Masyado raw kasi tayong close.”

“Eh, problema ba ‘yon?” sagot ko.

“Siguro.”

“Siguro? Ipagtanggol mo’ko sa kanya.”

“Di ko kaya.”

“Bakit?” Sa pagkakataong ito. Nagtataas na ako ng boses. Pakiramdam ko, anomang oras, sasabog ang dibdib ko.

“Bakit di mo kaya? Ano ba kasing problema, p’re?” dugtong ko.

“Jules, pinamimili niya ako. Kung siya raw ba o ikaw.”

“Sino pinipili mo?” tanong ko na parang sagot na rin. “Bakit kailangan mong mamili? Tagal na ng pinagsamahan natin ah! Masisira dahil sa selos lang?”

Hindi siya agad sumagot. Umagos ang luha sa mga mata niya, at buong alay kong inilaan ang balikat ko para dumantay siya. Rinig na rinig ko ang tahimik niyang paghikbi, at ang panghihina ng mga lalamunan niya na parang may mga salitang nais na sambitin.

“Jules, patawarin mo’ko.”

“Bakit?”

“Mahal ko boyfriend ko.”

Hindi na ako sumagot, dahil alam ko sa mga salitang iyon naroon ang kanyang huling desisyon.

 

“Jules, iho, ikaw na magsasalita.”

Nilingon ko ang kwarto na mas malawak pa kaysa sa buong bahay namin. Mga bulaklak ang namayani sa mga dingding at sa mismong puntod na para bang nasa piyesta. Kung nakikita ni Ran-ran ito, malamang lalaitin niya ito at matatawa siya. Pero hindi, burol niya ito, at alay ang lahat ng mga kanta at mensahe sa kanya.

Tumayo ako mula sa kinauupuan ko. Habang binabagtas ko ang pasilyo, naaalala ko ang lahat ng bulung-bulongan sa buong komunidad: ‘Yung boyfriend raw ni Ran-ran, nagpakamatay. Binigti ang sarili. Sabi nila, mukhang siya ang pumatay kay Ran-ran. ‘Di pa rin nga raw alam kung bakit e!

Nagpatuloy ako sa paglalakad na parang tumagal ng dekada. Agad kong nilingon ang nanay ko at ang nanay ni Ran-ran — magkatabi, hawak-kamay ang isa’t isa. Iyon ang unang pagkakataon na makita silang ganoon — dahil, alam ko, na sa panahon ng matinding kalungkutan, ang mga kapwa magulang mismo ang nakakaintindi sa kirot at hapdi na bitbit ng bawat isa. Sila mismo ang nagiging lakas ng isang kapwa magulang na nanghihina at pinapawian ng pag-asa.

Naaalala ko ang sabi sa akin ng nanay ko kahapon, “Jules, anak, wala na ang bestfriend mo.”

Di ako umimik.

“Pasensya ka na ‘nak. Nararamdaman ko,” dugtong niya.

Natulala lang ako sa sinabi niyang iyon. Di pa rin ako sumagot.

 

Pagkatungtong ko sa maliit na entablado, una kong tinignan ang puntod ni Ran-ran. Iba pala talaga kapag nasa tabi ka ng puntod — may halong takot at kaba. Pero sa pagkakataong ito, nanaig ang poot at lungkot, na para bang sasabog ang dibdib ko anumang oras.

Napatitig ako saglit sa mukha niya. Maaliwalas. Aakalain mong di siya dumaan sa hirap; aakalain mong walang dumaan na bala sa noo at pisngi niya. Sinulyapan ko ang larawang nakapatong sa puntod. Sa huling pagkakataon, gusto kong ang mukha niya bago siya mamatay ang nais kong ipinta sa imahinasyon ko.

Tagu-taguan, maliwanag ang buwan. Wala sa likod, wala sa harap. Pagkabilang kong tatlo, nakatago na kayo. Isa … dalawa.

Huminga ako nang malalim at tumingin sa madla. Tahimik na umagos ang mga luha ko sa aking pisngi, kasabay ng panginginig ng mga kamay kong nakapisil sa papel na binabasa ko.

Isa, dalawa. Nasa’n ka na?

Isa, dalawa. Wala ka na.

Randell, pare, sana magtaguan na lang ulit tayo, kasi sa larong taguan, alam kong kailanma’y di ka nataya o natalo. Alam mo kasi kung paano magkubli para di ka makita. Alam mo kung paano makihalo sa dilim at hindi gumawa ng ingay. Ngunit ngayon, pakiramdam ko, tadhana na mismo ang nandaya sa’yo. Natalo ka sa isang laro kung saan wala man lang pagtataya — dahil doon, tiyak wala kang laban at diretso talo.

Napakadamot ng tadhana dahil ipinagkait niya sa amin ang isang buhay na kayang lumaban nang patas.

Sana magtaguan na lang ulit tayo, dahil sa totoo lang, mas gugustuhin kong magbilang nang kahit ilang beses, masilayan ka lang ulit.

Di na magiging maliwanag ang buwan dahil wala ka na sa likod at harap ko. Wala na akong aakbayan at yayakapin kapag nalulungkot ako. Wala na akong aasarin tuwing umaga’t hapon.

Sana magtaguan na lang ulit tayo, at sa pagkakataong ito, babawi ako sa’yo. Babawi ako sa’yo.

Pasensya ka na kung di pa ako nakakabawi sa’yo. At kung naiinis ka man sa’kin dahil sa kahinaan kong ito, patawarin mo na ako, para mapatawad ko na rin ang sarili ko.

Sa pagkakataong ito, nais ko ring magpasalamat sa’yo. Dahil nagpakita ka sa mga panahong dapat kang nagtatago. Pinakita mo ang sarili mo sa akin, at binuo mo ang buhay ko.

Salamat sa pagbuo sa buhay ko. At sa buhay naming mga napasaya mo.

Sa huling pagkakataon, maglaro tayo. Magbibilang na ako at pakinggan mo ako.

Tagu-taguan, maliwanag ang buwan. Wala sa likod, wala sa harap. Pagkabilang kong tatlo, nakatago na kayo. Isa … dalawa. Isa dalawa … mahal kita.

Mahal na mahal kita.

Advertisements

One thought on “Taguan

Your thoughts are valuable. Share them.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s